Akda

Isinulat ni Jihannah Genova

Student Teacher

Akda

Isinulat ni Jihannah Genova
Student Teacher

Nakakapanibago. Ito siguro ang salitang gagamitin ko para ilarawan ang aking karanasan sa naganap na Kuwentong Pambata Workshop noong nakaraang ika-25 ng Enero sa Concepcion Elementary School (CES). Matagal na akong nagtuturo ng mga mag-aaral mula sa mabababang paaralan ngunit naiiba talaga ang naging karanasan ko sa CES. Kung dati ay subject-verb agreement at basic division ang tinuturo ko, sa workshop na ito nagkaroon ako ng pagkakataon na ituro sa mga bata kung paano gumawa ng isang akda gamit ang kanilang mga karanasan at mga natutunan. Bukod pa rito, nakakilala ako ng mga batang kagila-gilalas ang mga talento. Talagang naiiba sila sa mga nakasama ko noon. Dahil dito, nakita ko ang katotohanang iba-iba ang estilo ng pag-aaral ng mga estudyante. Mas naintindihan ko ang kahalagahan ng targeted learning para mas maging epektibo ang pagtuturo sa mga bata.
Sa tulong ng nagdaang workshop, napagtanto ko na mahalagang gumawa ng mga programang nakatutok sa mga ispesipikong lugar o grupo para mas maging pamilyar at epektibo ang pagtuturo. Halimbawa, panahon na para magkaroon ng mga programa sa pagtuturo ng sining at panitikan sa mga mag-aaral. Bilang isang produkto ng mga patimpalak noong elementarya, mas naging madali rin para sa akin ang pag-iisip nang malalim tuwing nagkakaroon ng debate sa klase dahil nasanay akong mag-isip agad ng mga argumento sa mga sinalihan kong journalism contests. Nahubog din ang aking kumpiyansa sa sarili dahil sa mga story-telling at speech choir contests na sinalihan ko noon. Napakarami pang mga estudyante ang makapagpapatunay na nakatutulong ang mga hindi karaniwang istilo sa pagtuturo. Kaya naman kapag binanggit ang mga katagang “kalidad na edukasyon”, ang pumapasok agad sa aking isipan ay ang pagpapalaganap ng isang inklusibong sistema ng edukasyon para sa lahat.
Lahat dapat ay maturuan at magabayan. May internet connection man o wala, nakatira man sa malayong baryo o sa makinang na siyudad, karapatan ng lahat na makatanggap ng edukasyon na hindi lang agham o matematika ang pokus. Magbibigay-halaga rin sa iba’t-ibang aspeto ng lipunan ang tunay na inklusibong sistema ng edukasyon. Isang maaaring maging paraan para mapalaganap ang inklusibong sistema ng edukasyon ay ang mas pagpapaigting pa ng mga programang humuhubog sa talento ng mga mag-aaral tulad ng journalism contests o di kaya ang taunang National Festival of Talents. Mahalaga ito para magkaroon ang lahat ng pagkakataon na mas makilala ang kanilang mga sarili at ang mundong kanilang ginagalawan. Sa tulong ng maayos na edukasyon, malalaman nila ang kanilang mga interes at talento pati na rin ang mga problemang kinakaharap ng lipunan. Sa tulong ng kalidad na edukasyon, kung papalarin, ang mga mag-aaral ay magkakaroon ng matatag na pagkakakilanlan na siyang tutulong para magkaroon ng isang mas matatag na komunidad.
Tunay na nakalulungkot na saglit lang ang workshop sa CES pero nagpapasalamat pa rin ako dahil sa maikling oras na nakasama ko ang mga mag-aaral ay lumawak ang aking perspektibo tungo sa kung ano nga ba talaga ang kalidad na edukasyon at kung paano ba ito maipaaabot pa sa mas maraming tao. Nawa ay mas marami pang mga programa katulad ng Kuwentong Pambata ang maisagawa sa mga darating na taon dahil maganda itong paalala na hindi lang iisa ang mukha ng edukasyon.

2020-2021

Hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung paano nagkakasya ang limampung estudyante sa loob ng isang masikip na silid-aralan.

Bakit kaya hindi kasing-laki ng auditorium na ito ang mga silid-aralan sa bansa?

Hindi rin niya alam kung siya lang ba ang hindi nakakaintindi ng sinasabi ni Ginang Carreon sa harap dahil puro “ang init” na lang ang nasa isip niya kanina pa.

Buti na lang maraming aircon dito sa loob ng auditorium at hindi masyadong magkakatabi ang mga estudyante.

Sumilip siya ng tingin sa kanyang kwaderno, kahit na medyo hindi komportable ang kanyang sitwasyon ngayon, natutuwa pa rin siya na nakasama siya sa campus journalism orientation na ito.

Noong nakita niya ang anunsiyo tungkol sa proyektong ito, hindi siya nag-atubiling magpasa ng mga requirements. Ngayon, habang tahimik na nagsusulat ang mga bata, napaisip siya na isa ito sa mga tamang desisyon na ginawa niya ngayong taon.

Sa totoo lang, hindi niya talaga pinangarap na magsulat. Mula unang baitang, boses ang puhunan niya para sa iba’t-ibang patimpalak tulad ng declamation at story telling. Mas sanay rin siyang kabisaduhin ang laman ng isang libro at sumagot ng sari-saring tanong sa isang quiz bee. Ngayong 2010, nasa ikalimang baitang na siya at unti-unti siyang namumulat sa kapangyarihan ng pagsusulat.

Nasa ikalawang taon na siya sa kolehiyo at boses pa rin ang kaisa-isang bagay na maipagmamalaki niya. Hindi na rin kasi niya nahahasa ang pagsusulat niya. Sino kayang nagsabi na kaya mong gawin lahat kapag nasa kolehiyo ka na? Eh kulang na kulang ang bente kwatro oras sa isang araw para matapos ang lahat ng gampanin niya.

Hindi nagtagal ay ilang masikip at mainit na silid-aralan na ang napuntahan niya para makinig ng payo tungkol sa pagsulat ng editoryal. Ilang paaralan na rin ang nabisita niya para magsulat ng mga artikulong nagmulat sa kanyang mata sa mga pangyayari sa kanyang lipunan. Mula sa unang artikulo niya tungkol sa mga uniporme sa paaralan ay isa na siyang manunulat na gising at nangingialam.

Gayunpaman, hindi basta-basta nawawala ang isang ugali na nakasanayan na. Kaya naman hangga’t maaari ay sinisikap pa rin niyang hasain ang kanyang pagsusulat. Maging maikling spiel man ito para sa isang DP blast o di kaya ay isang sanaysay tungkol sa pampublikong transportasyon sa bansa, siya ay pupulot ng bolpen at papel at magsisimulang magsulat. Kahit madalas ay kulang sa oras, bubuksan niya ang kanyang kompyuter at magpapahayag ng ilang mga ideya sa mga social networking sites.

Dahil sa kaniyang pangingialam, mas nakilala niya ang kanyang sarili pati na rin ang kanyang lipunan. Tila ba isang eksena sa isang mahiwagang istorya ang nangyaring desisyon sa kanyang utak. Habang siya’y nagsusulat ng isang interaktibong akda para sa kanyang klase, napagtanto niya na nais niyang tumulong sa iba. 2018 pa lang noon at hindi pa rin siya sigurado sa kung anong kurso ang kukunin niya ngunit alam niya na nais niyang maging isang instrumento para sa pagbabago ng bansa.

Ilang taon na rin siyang self-proclaimed na manunulat pero hanggang ngayon hindi pa rin siya nagsasawang mamangha sa kapangyarihan ng mga pinagdugtong-dugtong na salita. Hanggang ngayon na sinusulat niya ang kanyang request letter para sa kanyang minor ay napapaisip siya na napakagandang ideya na isang liham ang kailangan para tumawid sa susunod na proseso tungo sa pagkuha ng minor. Parang mahika kung iisipin, isulat mo at maaari itong magkatotoo. Kung noong nakaraang taon ay hindi pa siya sigurado, ngayon alam niya na ang nais niyang gawin para sa iba.

2019 na at nasa huling semestre na siya ng kaniyang unang taon sa kolehiyo. Saktong nasa isang mainit na silid-aralan muli siya, ngunit di na ito nagmukhang maliit dahil tatlumpu lang ang mga mag-aaral na nakatingin sa kanya. Siya ngayon ang nasa may pisara. Hindi siya masyadong komportable magsalita ng Ingles ngunit iba ang naramdaman niya habang nasa harap siya at nagbibigay ng impormasyon tungkol sa bulok na sistema ng pampublikong transportasyon sa EDSA. Matapos ang kaniyang presentasyon, doon niya naramdaman ang kagustuhang tumayo sa harap ng isang klase at magbigay ng impormasyon sa mas maraming tao. ‘Parang marami akong matutulungan kapag naging guro ako’, isip niya habang naglalakad papunta sa susunod na klase.

Malapit na matapos ang workshop sa malamig at malawak na auditorium ng Concepcion Elementary School at may ilang mag-aaral na ang tapos sa kanilang mga akda. Tahimik siyang nagmamasid at nagbabasa ng ilan sa kanilang mga sinulat habang sila ay nagkwe-kwentuhan. Hindi niya maiwasang mapangiti. Saglit lamang ang ginugol niyang oras sa pagtuturo sa kanila ngunit kitang-kita na agad ang talento ng mga bata. Patunay ito na lahat ay may kakayahan na gumawa ng kahit ano, sanaysay man o kwento, robot man o isang kanta. Kailangan lang din talaga nila ng mga taong maniniwala sa kanilang kakayahan, mga gurong papatnubay sa kanilang pupuntahan. ‘Hindi na ako makapaghintay na maging guro’, isip niya habang pabalik ang sinasakyang jeepney sa Ateneo.