Akda

Isinulat ni Jerome Agpalza

Student Teacher

Akda

Isinulat ni Jerome Agpalza
Student Teacher

PASENSYA na sa mga guro at sa mga kapwa kong organizer. Maniwala kayo o hindi, sa isang araw na pagsasama-sama namin ng mga bata, nagawa naming magkubli ng sikreto. Ito ang binulong ko sa kanila, na ang sikreto ng mga kahanga-hangang kwento ay wala silang sikreto. Totoo. Simula noong nabasa ko ang chika ni Arundhati Roy, isinapuso ko na ito, at nagkaroon ako nang malaking pagkakataon na isali sa chismis ang mga kabataan sa Concepcion Elementary School. Naituro ko na kaunti lang ang magic tricks sa pagkukwento. Naituro ko na ang kwento ay, higit sa lahat, nag-uugat sa pamilyar at personal.

Umikot ang pagtuturo ko ng pagsulat sa pilosopiya ni Roy. Sa pagtuturo, hindi ko gaano binigyang halaga ang porma, ang walang kamatayang show, don’t tell; para sa akin, ang importante ay ang pinaghuhugutan. Higit sa pagtuturo kung paano magsulat nang mahusay, mahalagang ituro natin sa mga bata kung paano bunuin ang kanilang mga danas. Diba’t sa ganito naman tayo lahat nagsimula? Sa mga diary, nagtatala ng mga hinanakit noong bata pa. Aaminin ko na tumaliwas kami nang bahagya sa itinakdang workbook (muli, pasensya na sa mga kapwa kong organizer) dahil mas naging mahalaga sa akin malaman kung “kamusta” sila. Naniniwala akong marami pang complexities sa mga bata na lumalampas sa pagpunta at pag-uwi nila sa classroom. Nalulungkot sila. Natutuwa. Nakakaramdam nang hirap ng buhay. Naging stratehiya ko na iabala namin lalo ang mga sarili namin sa pagpapakilala. Ayun ang nagmistulang jump-off ng mga gawa namin. Noong sinisilip ko ito, talagang hindi nila ako binigo.

Sinusulat ko ito ilang buwan makalipas ang proyekto. Gawa ito ng pandaigdigang krisis hatid ng COVID-19; maraming bagay ang naudlot at marami rin ang nakalimutan. Hindi naman natin masisisi ang isa’t-isa. Limot ko na ang pangalan ng mga estudyante sa hanay ko ngunit hindi pa burado sa aking isip ang nangyari noong araw na iyon.

Naalala ko ang kwento ng isang batang babae, kaharap ko siya. Nagsulat siya ng kwento tungkol sa gintong itlog ng bibe. Diniin niyang mahirap ang tauhan sa kwento niya, at tuwang-tuwa ang mga magulang niya noong nakakita siya ng gintong bibe dahil yayaman na sila. Lumiko ang kwento nang ibalik ng tauhan ang itlog imbes na ibenta. Isinulat niya, “may magulang pa rin ang ibon sa loob ng itlog”. Namangha ako sa kanya. Naalala ko pang tiningnan ko silang lahat na nasa lamesa, at napangiti. Sa puntong iyon, tiwala akong nagawa ko nang maayos ang trabaho ko. Sayang at mukhang hindi niyo ata makikita ang kwentong tinutukoy ko. Bilang isa sa mga student-teacher, nasasayangan ako sa delay at mga kwento na hindi nakalap mula sa mga bata dahil sa pandemya. Maraming mga kwento ang pumukaw sa akin (bagamat hiyang-hiya ang mga bata noong sinisilip ko ito). Sigurado akong nararamdaman din ito ng mga kasamahan ko. Muli, hindi naman natin masisisi ang isa’t-isa. Marami pa tayong sisingilin pagkatapos nito.

Malaki ang kakulangan ng salita laban sa mga pwersang haharapin pa nila, ng kabataan, sa kanilang buhay. Walang amba ang pagkukwento at tula sa lipunan at estado na walang awa. Marahil, hindi talaga ako nakibahagi sa programa para ituro ang pagsulat per se. Alam ko na buong buhay ito inaaral. Ang katotohanan ay nagturo lang ako ng isang paraan para mag-introspect. Itinuro ko lang na mahalaga ang danas ng bawat isa sa kanila. Na maaari itong pagmulan o maging porma ng boses. Hari nawa’y makinig tayo. Ayun na ang pinakamainam nating gagawin. Kung nakinig, bilang isang buong lipunan, doon natin simulang “gamutin” ang mga kasu-kasuan ng edukasyon at higit pa roon. Ito lang ang kayang ipagmalabis ng salita.

Maalala sana ng mga bata na pagnilayan ang mga karanasan sa buhay. Higit sa lahat, maging responsable sa lahat ng kilos at gawa—sa bahay, kalaro, o sa eskuwela. Bilang guro, hangad ko lang na maalala nilang magsalita. Malaking kasayangan sa buong daigdig kung mananatili itong bulong, panimdim sa sarili.

-Rome